Photo courtesy of Sen. Bong Go/Facebook
Sumulat na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kay Davao City Mayor Sebastian Duterte kaugnay ng insidente ng pagtatapon ng basura sa labas ng tanggapan ng ahensya sa Region XI.
Sa liham ni DENR Regional Executive Director Mercedes Dumagan, hiniling nito ang paglilinaw ng alkalde matapos mahuli ang ilang indibidwal na nagtatapon ng halo-halong basura sa harap ng DENR office sa Lanang.
Ayon sa DENR, ilan sa mga naharang ay itinuro umano ang Facebook post ng alkalde noong June 4 kung saan binanggit ang naturang lugar bilang pansamantalang waste collection point.
Giit nito, hindi ito naaayon sa itinakdang proseso sa ilalim ng Ecological Solid Waste Management Act.
“We are clarifying how these incidents came about and reiterating the importance of proper waste handling and compliance with established procedures,” ayon kay RED Dumagan.
Binigyan ng limang araw si Mayor Duterte para magsumite ng kanyang paliwanag sa DENR.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang DENR sa PNP para matukoy ang iba pang truck at sasakyang nakita sa lugar habang isinasagawa ang pagtatapon ng basura.
Samantala, naghain na rin ng hiwalay na reklamo ang DENR laban sa may-ari ng isang Mitsubishi Xpander na nakuhanan sa CCTV na nagbaba umano ng sako-sakong mixed waste sa harap ng tanggapan ng ahensya.