Idinaan sa isang pasaring na biro ni NBI Director Melvin Matibag ang paghamon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na isauli na rin ang mahigit isang daang armas na umano’y nakarehistro sa kanyang pangalan.
Sa isang press conference, sinabi ni Matibag na mabuti ang ginawang pagsasauli ni Dela Rosa ng 20 firearms sa PNP-CIDG na nakapangalan sa kanya.
Gayunman, sinabi niyang mas mainam kung isauli na rin ng senador ang lahat ng 117 firearms na nakarehistro sa kanyang pangalan.
Nagpahabol pa si Matibag ng biro na sana ay sumama na rin si Dela Rosa sa pagsuko kapag ibinalik na nito ang mga armas.
Samantala, patuloy pa ring tinutunton ng NBI ang lokasyon ng senador at mayroon umano silang matibay na lead sa kinaroroonan nito.
Naniniwala rin si Matibag na nasa Pilipinas pa rin si Dela Rosa dahil wala pa itong rekord sa Bureau of Immigration na lumabas ng bansa. Giit pa niya, mas mahihirapan si Dela Rosa kung lalabas ito ng Pilipinas dahil ang International Criminal Court (ICC) ang naglabas ng warrant laban sa kanya, at mas madali umano siyang matutunton ng mga awtoridad kung nasa ibang bansa.