No-show ngayong araw ang dating Ateneo coach na si Tab Baldwin sa kabila ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng imbestigasyon sa pagkasawi ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Sa halip na personal na humarap, ipinadala ni Baldwin ang kanyang abogado na si Atty. Karl Justeen David.
Ayon dito, maaasahang makikipagtulungan pa rin si Baldwin sa imbestigasyon. Aniya, wala lamang ito sa maayos na kalagayan sa kasalukuyan kaya hindi nakasipot sa ipinadalang subpoena ng NBI.
Tikom naman ang bibig ng kanyang abogado nang tanungin kung nasa bansa pa ba si Baldwin o kung masisiguro nitong mananatili ito sa Pilipinas. Tumanggi rin itong magkomento hinggil sa inilabas na video ng asawa ni Baldwin dahil nakatutok lamang aniya sila ngayon sa pakikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon.