Maaaring makautang ng hanggang ₱10,000 ang mga miyembro ng Pag-IBIG Fund na nakararanas ng epekto ng krisis dahil sa gyera sa Middle East.
Ayon sa Pag-IBIG at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), ito ay sa ilalim ng programang Special Assistance for Financial Emergencies (SAFE).
Layon nitong suportahan ang mga miyembro ng Pag-IBIG na makabangon mula sa mataas na presyo ng produktong petrolyo, mataas na singil sa kuryente, at iba pang gastusin.
Sa ilalim ng programa, maaaring umutang ng hanggang ₱10,000 o 90% ng kabuuang regular savings, alinman ang mas mababa. Ang interes ay nasa 5.95% per annum at maaaring bayaran sa loob ng isa hanggang tatlong taon.
Maaari ring mag-apply ng loan kahit ang mga may existing Multi-Purpose Loan at Calamity Loan. Tatanggap ng aplikasyon ang Pag-IBIG hanggang Setyembre 8, 2026.