Umaasa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na matutuloy ang ratification ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa mga kaalyadong bansa, gayunding ang confirmation ng limang military generals sa pagbubukas ng special session ng Kongreso, bukas June 17.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Padilla, naapektuhan kasi ng Senate impasse ang ilang operasyon at aktibidad ng militar, kabilang ang pakikipag-ugnayan at pagsasanay kasama ang mga dayuhang armed forces.
Gayunman, kapansin-pansin na hindi kabilang sa mga priority agenda na nakasaad sa proklamasyong inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa special session ang ratification ng VFA sa Canada at New Zealand.
Ito ay kahit pa personal itong inapela ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na maisama ang naturang kasunduan sa gitna ng isyu sa liderato ng Senado.
Paliwanag ni Padilla, kung hindi mararatipikahan ang VFA sa Canada at New Zealand, hindi maisasagawa ang “boots on the ground” o joint training ng mga sundalo ng naturang mga bansa sa Pilipinas.