Sinabi ni Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian na posibleng konektado sa tangkang destabilisasyon sa pamahalaan ang banta sa seguridad ng Senado.
Ayon kay Gatchalian, ito ay batay sa naging pulong nila sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kahapon kaugnay ng seguridad ng Senado.
Gayunman, hindi na idinetalye ng acting Senate president ang naturang impormasyon.
Sa naturang pulong, inirekomenda rin umano ng AFP at PNP na ipagpatuloy lamang ang pagpapatupad ng heightened security measures sa Senado.
Sinabi ni Gatchalian na kasama rin sa naturang pulong sina Senador Ping Lacson at Senador Vicente Sotto III, na siyang chairman ng Senate Committee on National Defense.
Sa ngayon, tuloy-tuloy rin aniya ang kanilang koordinasyon sa mga uniformed services para sa pagpapanatili ng seguridad ng Senado.
Patuloy rin aniya ang validation ng mga security agency ng pamahalaan kaugnay ng banta sa seguridad ng Senado.
Regular nang nagsasagawa ng Security Survey and Inspection (SSI) sa buong Senate premises bilang paghahanda sa gagawing special session bukas at bilang bahagi ng patuloy na ipinatutupad na heightened security measures sa Senado.