Nanawagan ang Pilipinas ng mas matibay na pagtutulungan sa mga bansang miyembro ng ASEAN upang matugunan ang mga hamon sa seguridad sa rehiyon kasunod ng isinagawang 23rd ASEAN Regional Forum Security Policy Conference.
Isinagawa ang conference online sa pangunguna ni Department of National Defense (DND) Undersecretary Ignacio Madriaga bilang conference chair.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa ASEAN Member States, ASEAN Dialogue Partners, at iba pang kalahok upang talakayin ang mga isyung may kinalaman sa seguridad at kooperasyon sa rehiyon.
Sa pulong, binigyang-diin ni Madriaga ang kahalagahan ng kooperasyon sa rehiyon sa gitna ng mas kumplikadong security environment.
Kabilang sa mga natalakay ang governance ng critical underwater infrastructure (CUI), gayundin ang epekto ng artificial intelligence (AI) at autonomous systems sa larangan ng depensa at seguridad.
Bukod dito, pinag-usapan din ng mga kalahok ang mga paraan upang higit na mapalakas ang ASEAN Regional Forum (ARF) at ASEAN Defence Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus) para sa mas epektibong kooperasyon at pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.