Patay ang walong crew members matapos bumagsak ang isang B-52 bomber ilang sandali matapos itong lumipad mula sa Edwards Air Force Base sa Southern California.
Naganap ang insidente nitong Lunes ng umaga sa naturang air base na matatagpuan sa hilagang-silangang bahagi ng Los Angeles.
Batay sa ulat ng CNN, ito na ang itinuturing na deadliest crash na kinasangkutan ng isang B-52 bomber mula noong taong 1982.
Sinabi ng mga awtoridad na ang bumagsak na B-52 Stratofortress ay nasa isang routine test mission at lumipad sa liblib na bahagi ng air base.
Kasalukuyan nang nagbibigay-abiso ang mga awtoridad sa pamilya ng mga nasawi, ayon kay Chief Master Sgt. Joshua T. Skarloken.
Binubuo ang crew ng pinaghalong militar, mga sibilyang nagtatrabaho sa gobyerno, at mga government contractor.
Samantala, kinumpirma ng Boeing, ang kumpanyang gumawa ng eroplano, na dalawa sa kanilang mga empleyado ang kasama sa naturang flight.
(File Photo/PAF)