Administrasyong Marcos, inilabas ang paunang P362-M upang mapabilis ang rehabilitasyon ng mga quake-damaged infrastructure sa Sarangani, GenSan, at South Cotabato
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang tulungan ang mga komunidad na naapektuhan ng mapaminsalang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong ika-8 ng Hunyo, nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng paunang halagang P362 milyon upang suportahan ang rehabilitasyon at muling pagtatayo ng mga nasirang pampublikong pasilidad sa Sarangani, General Santos City, at South Cotabato.
Nagmula ang pondo sa Local Government Support Fund (LGSF) at direktang ibibigay sa mga apektadong lokal na pamahalaan upang mapabilis ang recovery efforts at maibalik ang mahahalagang imprastraktura sa mga lugar na lubhang naapektuhan.
“Hindi po dapat naghihintay ang mga mamamayan sa oras ng sakuna. Malinaw po ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.—dapat maramdaman agad ng mga naapektuhang komunidad ang tulong ng pamahalaan. Kaya inatasan niya tayong kumilos nang mabilis at tiyaking may sapat na pondo para sa agarang rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na sinalanta ng lindol,” ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon.
“Nagpalabas po tayo ng inisyal na P362 milyon upang mapabilis ang pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga kritikal na pasilidad at imprastraktura sa Sarangani, General Santos City, at South Cotabato. Layunin natin na maibalik agad sa normal ang pamumuhay ng ating mga kababayan. Alinsunod sa utos ng Pangulo na walang Pilipinong dapat maiwan sa panahon ng pangangailangan,” dagdag niya.
Noong ika-9 ng Hunyo, nagpalabas ang DBM ng P100 milyon para sa Pamahalaang Lungsod ng General Santos para sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng isang multipurpose building sa Barangay Dadiangas East.
Samantala, P140 milyon naman ang inilabas noong ika-15 ng Hunyo para sa Pamahalaang Panlalawigan ng Sarangani para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng mga imprastrakturang nasira ng lindol. Kabilang dito ang rehabilitasyon ng mga multipurpose building, lokal na kalsada, at pagtatayo ng tulay sa Bayan ng Alabel, gayundin ang rehabilitasyon ng gusali ng ospital at pagtatayo ng lokal na kalsada sa Bayan ng Glan.
Sa parehong araw, nagpalabas din ang DBM ng P122 milyon para sa Pamahalaang Panlalawigan ng South Cotabato upang suportahan ang pagsesemento ng lokal na kalsadang nag-uugnay sa Barangay Acmonan at Barangay Kablon sa Bayan ng Tupi. Ang proyektong ito ay inaasahang magpapabuti sa mobilidad at susuporta sa pagbangon ng ekonomiya ng mga apektadong komunidad.
Binigyang-diin ng DBM na ang paglalabas ng P362 milyon ay bahagi ng mas malawak na estratehiya ng pambansang pamahalaan sa pagpopondo para sa pagtugon at pagbangon mula sa mga sakuna.
Mayroon ding nakahandang karagdagang pondo mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) upang suportahan ang mga programa sa relief, rehabilitasyon, at rekonstruksyon sa buong bansa.
Bukod dito, maaaring humiling ang mga disaster response agencies ng karagdagang pondo para sa kanilang Quick Response Funds (QRFs) kapag umabot na sa itinakdang limampung (50) porsiyento ang paggamit ng kanilang kasalukuyang QRF, alinsunod sa umiiral na mga tuntunin at regulasyon sa pagbabadyet at pag-uulat.
“Ang inilabas nating P362 milyon ay paunang tulong pa lamang. Nananatiling may sapat at nakahandang pondo ang pamahalaan upang suportahan ang patuloy na relief, rehabilitation, at recovery efforts sa mga lugar na naapektuhan ng lindol at iba pang kalamidad,” ani Secretary De Leon.
“Mayroon tayong available na Quick Response Funds at pondo sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund. Sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sisiguruhin nating walang kakulangan sa pondo pagdating sa pagligtas ng buhay, pagtulong sa mga apektadong pamilya, at pagpapabilis ng pagbangon ng mga komunidad na sinalanta ng sakuna,” dagdag niya.