Photo from Senate of the Philippines FB
Nanawagan si Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian sa mga kapwa senador na dumalo sa kanilang special session bukas, June 18.
Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalaga ang mga aksyong gagawin nila bukas, kabilang ang pagpasa ng mga mahahalagang panukalang batas at ang kumpirmasyon sa appointments ng limang military generals.
Ayon sa Acting Senate President, anumang delay sa kumpirmasyon ng appointment ng limang military generals ay maaaring makahadlang sa pagganap ng kanilang mga opisyal na tungkulin.
Sakaling hindi dumalo sa sesyon ang mga senador mula sa Cayetano bloc, nanindigan si Senador Win na magkakaroon pa rin sila ng quorum bukas.
Bukod kasi sa solid bloc na 11 nina Gatchalian, inaasahan ding dadalo sa sesyon bukas sina Senador Chiz Escudero at Senador Joel Villanueva, na una nang nagpahayag na dadalo sila sa special session.
Kahit sa CA, aniya, ay tiwala siyang magkakaroon pa rin sila ng sesyon dahil nag-commit na ang Kamara na dadalo sila bukas.
Sinabi ni Gatchalian na magsisimula ang kanilang sesyon bukas ng 9:00 AM, magkakaroon ng recess ng 11:00 AM upang bigyang-daan ang pagdinig ng Commission on Appointments (CA), at magpapatuloy ang Senate session sa hapon bago ang final adjournment ng 4:00 PM o 5:00 PM.