Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magtatatag ng mas malinaw na proseso para sa redevelopment ng mga luma at naluluma nang condominium building.
Sa botong 18 na senador ang pumabor, walang kumontra at walang abstention, pasado na sa Senado ang Senate bill 2420 o ang Proposed Condominium Redevelopment Act.
Layon ng panukala na amyendahan ang Republic Act 4726 o ang Condominium Act at magbigay ng legal na mekanismo para sa redevelopment ng mga luma, nasisira o luma na sa pamantayan na condominium projects.
Kasama rin sa layunin ng panukala ang pagprotekta sa karapatan at interes ng mga unit owner at iba pang stakeholders.
Ayon kay Senador Chiz Escudero, na sponsor ng panukala, sa kasalukuyan ay kailangan ang unanimous consent o pagpayag ng lahat ng unit owners bago maisagawa ang redevelopment… isang kondisyong aniya’y halos imposibleng matupad.
Sa ilalim ng panukala, mananatiling kailangan ang pagpayag ng lahat ng unit owners in good standing para sa mga condominium na wala pang 30 years ang tagal.
Para naman sa mga condominium na 30 hanggang 50 years nang nakatayo, kailangan ang pagpayag ng hindi bababa sa two-thirds ng mga unit owner.
Samantala, simple majority na lamang ang kailangan para sa redevelopment ng mga condominium na higit 50 years na.
Ayon kay Escudero, maiiwasan sa pamamagitan nito na maharang ng iilang unit owner ang redevelopment ng mga lumang gusali.