Umapela ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa publiko na mas maging mapagmatiyag at maging mas mapanuri sa mga inilalabas na impormasyon at contents ng China, dahil sa naging pagbabago nito ng istratehiya sa paggiit ng kanilang naratibo sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, hindi na lang kasi naka-focus sa mga argumento sa WPS ang China dahil iniuugnay na rin nila ngayon ang usapin sa territorial defense sa mga usaping pampolitika tulad ng ginaganap na impeachment trial at flood control.
Aminado ang AFP na paniguradong kasunod ng mga pagbabagong ito sa istratehiya ng China ang pag-usbong ng mas marami pang fake news sa mga social media site at internet.
Mas makabubuti ayon sa AFP na tingnan ng publiko ang verified news sources tulad ng mga page at website ng pamahalaan upang matiyak na totoo ang balita.
Ilan kasi sa mga content na inilalabas ngayon ng China ay nakasalin na rin sa wikang Filipino.
Sa ngayon, hindi pa rin tumitigil ang pamahalaan sa pagkakasa nito ng transparency initiative upang kontrahin ang mga kumakalat na fake news at disinformation hinggil sa laban ng Pilipinas sa karapatan nito sa West Philippine Sea.