₱80 million pa lamang ang nababawi ng gobyerno mula sa tinatayang ₱24 billion obligasyon ng Solar Philippines matapos kanselahin ng Department of Energy (DOE) ang mga kontrata nito sa renewable energy.
Ito ang kinumpirma ni Energy Secretary Sharon Garin sa interpellation ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno sa gitna ng budget hearing ng ahensya.
Ayon kay Garin, ang ₱24 billion ay binubuo ng iba’t ibang obligasyon, kabilang ang ₱80 million training and development fee at mga penalty sa performance bonds ng mga proyekto ng kumpanya.
Sinabi ng kalihim na nasa Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) na ang mga kaukulang kaso upang mabawi ang natitirang halaga, kabilang ang tinatayang ₱14 million expired bonds.
Tinanong din ni Diokno kung nagsagawa na ang DOE ng hakbang para i-blacklist ang Solar Philippines dahil sa hindi pagtupad sa mga obligasyon nito.
Paliwanag ni Garin, kamakailan lamang naglabas ang DOE ng bagong guidelines sa accountability ng mga generation company, kung saan maaaring ipatupad ang “three strikes” policy na maaaring humantong sa pag-blacklist sa kumpanyang paulit-ulit na lalabag.