Ayon kay House Prosecutor at Manila Representative Joel Chua nitong Martes, napagpasyahan nilang huwag nang maghain ng pagbibitiw ang sinuman sa kanilang hanay.
Pinag-aralan noon ng grupo ang pagpapalit ng istruktura matapos muling igiit ng Senate Impeachment Court ang mga limitasyon sa pagbibigay ng pampublikong komento tungkol sa mga usaping nililitis. Isa sa mga naging opsyon ang pag-alis ng ilang miyembro sa panel upang magsilbi lamang bilang mga tagapagsalita o spokesperson.
Ayon kay Chua, ito ang unang tinalakay sa kanilang hanay matapos magmungkahi ang ilang pribado at pampublikong prosecutor na may ilang magbitiw upang gumanap sa naturang papel.
Gayunpaman, pinili ng prosekusyon na panatilihin ang patuloy na takbo ng kanilang trabaho at mas magiging maingat na lamang sa pagtalima sa sub judice rule.