Tiniyak ni Health Secretary Edwin Mercado na may sapat na suplay ng gamot ang Department of Health (DOH) para sa leptospirosis, kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng sakit ngayong panahon ng tag-ulan.
Ito ang tugon ni Mercado sa tanong ni Rep. Iris Montes kung ano ang mga hakbang ng DOH sa pagdami ng mga naitatalang kaso ng leptospirosis, bunsod na rin ng malawakang pagbaha.
Ayon kay Mercado, nag-preposition na ang DOH ng mga gamot laban sa leptospirosis bago pa man magsimula ang rainy season.
Mayroon pa umanong 3.1 million capsules na nakalaan sa central warehouse bilang buffer supply para sa natitirang bahagi ng taon.
Para naman sa 2027, sinabi ng kalihim na may nakalaang P9.76 million, para sa pagbili ng 4.88 million capsule at ipe-preposition sa mga Centers for Health Development (CHDs).