Inaasahan na bababa ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado sakaling matuloy ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service sa Filipino-Canadian Economist na si Dr. Michael Batu, sinabi nito na mararamdaman ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas ngunit ito ay magiging mabagal, hindi katulad nang mabilis na pagsirit nito.
Ani Dr. Batu, maraming mga proseso at dahilan ang mabagal na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo lalo’t sa panahon aniya na malagdaan ang kasunduan ay mayroon pa itong mga kasunod na mga pag-uusap.
Dagdag pa ni Dr. Batu, hindi rin agad-agad na makababalik ang operasyon ng mga oil refinery sa Middle East dahil ang iba rito ay may mga napinsalang pasilidad mula sa mga pag-atake.
Ayon pa sa ekonomista, maging ang pangunahing ruta sa Strait of Hormuz ay hindi rin masasabing ligtas nang daanan dahil sa banta ng mga naiwang sea mines ng Iran.