Inabot na ng maghapon ang ginawang pagharap ng mga basketball players ng Ateneo Blue Eagles sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ngayong araw.
Dumating sila rito pasado alas-8 kaninang umaga pero may ilan pa rin sa kanilang ang nasa loob pa ng CIDG.
Ito ay bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay sa pagkasawi ng dalawang student-athletes ng Ateneo na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Sa ambush interview ng media sa Camp Crame sa legal counsel ng dalawang dating basketball players ng Ateneo na si Atty. VJ Topacio, sinabi niya na 10 basket players ang humarap sa CIDG kasama ang kanilang mga abogado at pamilya.
Sila aniya ay mga dati at kasalukuyang basketball players ng Ateneo.
Nabatid na kumalat sa social media ang mga nakaraang interview ng ilang dating basketball players ng Ateneo na sinasabing “deadly” at “hell week” ang training sa Aurora.
Ayon kay Topacio, inabot ng maghapon ang pagharap nila sa CIDG dahil maraming mga tinanong ang mga imbestigador sa mga basketball player.
Kinumpirma rin niyang under oath ang lahat ng ibinigay na statement ng mga basketball player, bagamat hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang abogado. Matatandaan na ipinasubpeona ng CIDG ang mga coach, basketball players, at resort owner kung saan isinagawa ang team building ng Ateneo sa Aurora, kung mabigo silang sumipot ay maaari silang ma-contempt ng CIDG.