Maaaring madagdagan pa ang mga baril na isusuko ng kampo ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP-Civil Security Group Officer-in-Charge Police Brigadier General Aden Lagradante, posible pang magkaroon ng mga susunod na pagsuko ng mga baril na nakarehistro sa senador.
Aniya, ang mahalaga sa ngayon ay ang ipinakitang “initial compliance” ni Dela Rosa sa ipinatutupad na polisiya ng PNP.
Matatandaang 20 baril na nakarehistro sa senador ang isinuko noong June 11, ngunit mahigit 90 pa ang nakarehistro sa kaniya.
Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ng PNP ang mga isinukong baril bilang bahagi ng Notice and Order of Revocation of License to Own and Possess Firearms at firearm registrations. Matatandaang binawi ang lisensya ni Dela Rosa sa pagmamay-ari at paghawak ng mga baril dahil sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).