Binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na diplomasya pa rin ang prayoridad sa pagtugon sa problema sa Bajo de Masinloc.
Ito ang tugon ni AFP Public Affairs Chief Col. Xerxes Trinidad nang tanungin kung ano ang posibleng hakbang ng militar kaugnay ng Chinese structure sa Panatag Shoal.
Sa pulong-balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Trinidad na hindi nila nais maulit ang nangyari sa Mischief Reef kung saan nakapagtayo ang China ng artificial military base.
Gayunman, patuloy aniya ang monitoring ng Philippine Navy at Philippine Air Force sa lugar, habang nasa National Maritime Council ang pagpapasya kung ano ang susunod na hakbang ng pamahalaan sa isyu. Bagama’t ayaw magbigay haka-haka, sinabi ni Trinidad na maaaring may implikasyon sa kapaligiran, ekonomiya, o seguridad ang 6×6 structure na kahawig ng isang research vessel ng China sa Panatag Shoal.