Ipinag-utos na ng Sandiganbayan Second Division ang 90-araw na preventive suspension kay Senador Jinggoy Estrada.
Kaugnay ito ng kinahaharap niyang kasong graft at plunder na may kaugnayan sa umano’y kickback scheme sa flood control projects.
Ayon sa korte, mandatory ang preventive suspension habang dinidinig ang kaso laban sa senador.
Kasunod ito ng paghahain ng komento ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman na tumututol sa posisyon ni Estrada na hindi siya dapat suspendihin habang nililitis ang kanyang mga kaso.
May kaugnayan ito sa direktiba ng Second at Fifth Divisions ng Sandiganbayan na magsumite ang prosekusyon at depensa ng kani-kanilang argumento kung nararapat bang suspendihin si Estrada sa kanyang puwesto bilang senador.
Sa ilalim ng batas, maaaring isailalim sa preventive suspension ang mga opisyal na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa katiwalian upang mapangalagaan ang integridad ng mga pagdinig.
Gayunman ang ipinataw na suspensyon ay hindi nangangahulugang nagkasala na ang senador, dahil nakabinbin pa rin ang mga kaso at patuloy na dinidinig ng korte.