Nangako si bagong Senate President Sherwin Gatchalian na tututukan niya ang mga legislative measures na tutugon sa mga economic concerns ng bansa, kabilang ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at mga bilihin, epekto ng lindol sa Mindanao, at banta ng Super El Niño.
Nanawagan rin si Gatchalian sa lahat ng miyembro ng Senado mapa majority o minority man na isantabi ang pagkakaiba sa pulitika at magtulungan sa pagtugon sa mga hamong kinakaharap ng bansa.
Binigyang-diin ng bagong Senate President na nauunawaan ng Senado ang panawagan ng publiko para sa mas mabilis at konkretong aksyon ng pamahalaan sa mga suliraning kinakaharap ng bansa.
Ayon kay Gatchalian, tinatanggap niya ang bagong tungkulin nang may pagpapakumbaba at pananagutan, at iginiit na ang pagiging Senate President ay hindi lamang tungkol sa kapangyarihan kundi sa paglilingkod sa institusyon at sa mamamayan.
Nangako rin si Senator Win na pamumunuan ang isang Senado na bukas sa dayalogo at nakatuon sa paghahanap ng mga praktikal na solusyon sa mga suliranin ng bansa.
Inaasahang magiging sentro ng mga susunod na talakayan sa Senado ang mga hakbang para mapagaan ang epekto ng mataas na presyo ng bilihin, matugunan ang pinsalang dulot ng mga kalamidad, at mapaghandaan ang posibleng epekto ng matinding tagtuyot dulot ng Super El Niño.
Sa special session ngayong araw, nahalal si Gatchalian bilang Senate President; Senate President Pro Tempore si Senador Vicente Sotto III; Majority Leader si Senador Juan Miguel Zubiri; at Deputy Majority Leaders sina Senador JV Ejercito at Senador Joel Villanueva.