Tila tinanggap na ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagkakaalis niya sa puwesto bilang Senate President, dalawang linggo matapos maghalal ang bagong Senate majority ng mga bagong opisyal ng Mataas na Kapulungan.
Sa isang social media post, nagpahayag ng pasasalamat si Cayetano sa mga kapwa senador na aniya’y nanindigan sa kanilang panig sa gitna ng matitinding pressure.
Kabilang sa kanyang binanggit sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Rodante Marcoleta.
Bagama’t hindi niya pinangalanan, tinukoy rin ni Cayetano ang isang kasamahan na aniya’y napilitang tanggapin ang bagong sitwasyon sa Senado.
Aniya, wala siyang sama ng loob dito at nauunawaan niya ang mga pinagdaanang pressure.
Samantala, muli ring iginiit ng senador ang kanyang posisyon na walang sapat na quorum sa naganap na pagbabago ng liderato sa Senado noong Hunyo 3, kaya nananatili aniya ang kanilang paniniwalang may mga isyung konstitusyonal na dapat resolbahin ng hukuman.
Kasabay nito, sinabi ni Cayetano na batay sa kanyang pakikipag-usap kay Senador Joel Villanueva, mayroon nang sapat na bilang ang kabilang panig para makapili ng bagong Senate President. Dahil dito, sinabi niyang hindi niya haharangin ang naturang botohan at handa siyang makipagtulungan sa sinumang legal na mahalal bilang bagong pinuno ng Senado.