Kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na naalis na ang floating platform na namataan sa loob ng lagoon ng Bajo de Masinloc.
Ito ay matapos ang isinagawang Maritime Domain Awareness patrols at monitoring ng mga awtoridad ngayong araw.
Nabatid na nauna nang naghain ang Pilipinas ng pormal na diplomatic protest laban sa presensya ng naturang istruktura.
Sa isang pahayag, muling iginiit ng NTF-WPS na ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at tanging ang bansa lamang ang may karapatang magtayo ng mga istruktura at magsagawa ng mga aktibidad dito.
Sinabi rin ng NTF-WPS na patuloy na magsasagawa ang Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at iba pang kaugnay na ahensya ng regular maritime patrols, maritime domain awareness operations sa paligid ng Bajo de Masinloc.
Kasabay nito, nanawagan ang task force sa lahat ng mga dayuhan na sumunod sa international law at itigil ang mga gawaing lumalabag sa soberanya at hurisdiksyon ng Pilipinas.