Isinusulong ngayon ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) ang pagtatatag ng People’s Development Trust Fund upang mas mapalakas nito ang koordinasyon ng microfinance services—na malaking tulong para mabigyan ng oportunidad ang kabuhayan ng ating mga kababayang nasa laylayan.
Sa press conference ng Philippine Information Agency ngayong Miyerkules, sinabi ni NAPC Secretary at Lead Convenor Lope Santos III, na maglalaan ng inisyal na pondong ₱4.5 billion para sa Trust Fund na ito, alinsunod sa Republic Act 8425. Nilinaw ng kalihim na mananatiling buo ang pangunahing pondo, dahil ang interest income lamang nito ang gagamitin.
Dagdag pa ni Secretary Santos, puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng NAPC sa Department of Finance, Department of Budget and Management, at sa Office of the President para sa tuluyang pagsasakatuparan nito.
Iminungkahi na din umano ng NAPC ang People’s Development Trust Fund sa ilang kinatawan ng Kongreso upang maisama ito sa susunod na National Budget.