Pinagtibay ng Philippine National Police (PNP) ang mahigpit na pagpapatupad ng mga requirement sa gun licensing at firearm registration, kasabay ng panawagan sa lahat ng gun owners na sumunod sa umiiral na mga regulasyon.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., walang exception sa pagpapatupad ng mga patakaran dahil mandato ng PNP na pangasiwaan at i-regulate ang pagmamay-ari ng mga baril sa bansa.
Binigyang-diin ni Nartatez, na ang pagmamay-ari ng baril ay isang pribilehiyo kaya kinakailangang licensed, registered, at regular na nire-renew sa PNP Firearms and Explosives Office ang bawat baril kabilang ang pagsunod sa safe keeping ng armas.
Nagbabala naman ang PNP na maaaring humantong sa kasong administratibo at kriminal ang pagmamay-ari ng mga baril na walang lisensya o kulang sa dokumentasyon.