Patuloy na inilalapit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga de-kalidad na pasilidad sa edukasyon para sa mga mag-aaral sa mga insurgency-cleared barangays sa ilalim ng Support to the Barangay Development Program (SBDP).
Ayon sa DILG, umabot na sa 645 school building projects, na nagkakahalaga ng P2.36 bilyon, ang pinondohan sa ilalim ng programa.
Inaasahan na magbibigay ang mga ito ng 782 classrooms para sa mahigit 714,000 residente ng 628 barangay sa buong bansa.
Batay sa datos ng ahensya, 629 classrooms na ang natapos na, habang ang iba ay nasa iba’t ibang yugto ng implementasyon, kabilang ang pre-procurement, procurement, at construction.
Sa Palawan, iniulat ang mas maayos na kondisyon ng pag-aaral dahil sa mga bagong classroom, habang sa Eastern Samar, ginagamit din ang ilang gusali bilang evacuation center tuwing may sakuna.
Ayon sa DILG, layunin ng programa na tiyakin ang ligtas at sapat na mga pasilidad sa edukasyon para sa mga komunidad na dating apektado ng insurgency.