Photo from Office of the Ombudsman
Naniniwala si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na dapat magbunga ng malawakang reporma sa mga institusyon ang nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa flood control at infrastructure projects sa bansa.
Sa kanyang pagharap sa 7th Global Conference on Sustainable Development Goal 16 ng United Nations sa New York, binigyang diin ni Remulla, na hindi lamang dapat mauwi sa pagsasampa ng kaso ang mga isyung ito kung hindi magsilbing daan para ayusin ang sistema.

Ayon kay Remulla, kailangang palakasin ang mga mekanismo ng pamahalaan para maibalik ang tiwala ng publiko.
“The goal is not simply to punish the mistakes of yesterday. The greater responsibility is to build better institutions for tomorrow,” pahayag ni Remulla.
Binigyang-diin din ng Ombudsman ang pangangailangan ng mas matibay na koordinasyon sa justice system sa paghawak ng mga kasong korapsyon.
Bago bumiyahe patungong New York, hiniling na umano ni Remulla kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo na maisama ang Office of the Ombudsman sa Justice Sector Coordinating Council para mapalakas ang ugnayan ng mga ahensyang sangkot sa paghahatid ng hustisya.