Inaasahan ang malaking ginhawa para sa mga lokal na magsasaka kasunod ng ulat na pagbaba ng presyo ng mga abono sa susunod na buwan.
Ito ang inihayag ni Rosendo So, Chairperson ng Samahan ng Industriya ng Agrikultura (SINAG), sa panayam sa programang “Global Na Tayo” ng Radyo Pilipinas World Service.
Ayon kay So, ito ay dulot ng nakatakdang pagluluwag sa Strait of Hormuz matapos ang nabuong kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon din sa pamunuan ng SINAG, malaki ang naging epekto ng geopolitical tension sa presyo ng pataba. Mula nang sumiklab ang giyera ng Estados Unidos at Iran, pumalo sa halos $800 kada metric ton ang presyo nito sa world market.
Ngunit dahil sa humanitarian at peace development, bumagsak na ito ngayon sa $460 hanggang $470 kada metric ton—halos kalahati sa dating presyo sa pandaigdigang merkado.
Inaasahang mararamdaman ng mga Pilipinong magsasaka ang bawas-presyo sa mga darating na shipment sa susunod na buwan kung ang dating presyo ay umabot sa ₱3,000 kada sako noong panahon ng giyera.
Sa kasalukuyang presyo, bahagya nang bumaba sa ₱2,300 ang presyo ng abono sa lokal na merkado at inaasahang bumaba pa sa ₱1,800 kada sako sa susunod na buwan.
Binigyang diin ni So na malaki ang maitutulong nito sa mga magsasaka lalo pa’t magsisimula pa lamang ang panahon ng pagtatanim.
Nang tanungin kung ano ang posibleng mangyari sakaling hindi matuloy ang ceasefire ng dalawang bansa, tiniyak ni So na hindi na magiging kasingtindi ang epekto nito kumpara sa unang bugso ng giyera dahil mas handa at stable na ang supply chain sa kasalukuyan.