Ganap nang inilunsad ng Office of Civil Defense (OCD) ang Harmonized National Contingency Plan for High-Intensity Earthquake (HNCP) kasabay ng 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED), ngayong araw.
Ayon kay OCD Administrator, Undersecretary Harold Cabreros, isa itong monumental framework o blueprint of survival and recovery na magdidikta ng mga agarang response sa mga karatig rehiyon sakaling tumama ang malakas na lindol sa Metro Manila.
Bahagi ito ng paghahanda ng pamahalaan sakaling yanigin ang Metro Manila ng Magnitude 7.2 na lindol na tinaguriang “The BIG One”.
Sa Kampo Aguinaldo, sabay-sabay na nag-duck, cover and hold ang mga kawani ng OCD sa hudyat ng pagtunog ng sirena nang isagawa na ang ceremonial pressing of the button.
Pinangunahan ito nila Defense USec. Irineo Espino na kinatawan ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr., Usec. Cabreros at PHIVOLCS Director, Dr. Teresito Bacolcol.
Nagsagawa rito ng isang tabletop exercise para sariwain ang mga dapat gawin sakaling dumating sa Metro Manila ang “The BIG One” o ang paggalaw ng West Valley Fault.
Sa ilalim nito, inaatasan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan mula sa National hanggang Local levels ng maigting na koordinasyon para matiyak ang kaligtasan ng publiko.