Naghain ng resolusyon ang mga lider ng Kamara upang pormal na hilingin ang isang malalimang pagsisiyasat hinggil sa trahedyang pagkasawi ng dalawang student-athletes mula sa Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Ang hakbang ay inihain nina Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V, Deputy Speaker Jefferson Khonghun, Deputy Majority Leader Ernest Dionisio Jr., at House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairperson Zia Alonto Adiong.
Sa ilalim ng House Resolution 1129, target ng pagsisiyasat na busisiin ang mga umiiral na patakaran at palakasin ang proteksyon para sa lahat ng student-athletes sa buong bansa.
Inatasan ng resolusyon ang Committee on Basic Education and Culture at ang Committee on Higher and Technical Education na siyasatin ang mga detalye sa likod ng insidente noong June 8, 2026.
Nananawagan naman si Deputy Speaker Paolo Ortega V, na dati ring student-athlete para sa San Beda Red Lions, sa kanyang mga kasamahang mambabatas na may karanasan sa competitive sports.
Aniya, malaki ang maitutulong ng kanilang karanasan upang matukoy ng Kongreso kung alin ang lehitimong preparasyon sa laro at kung alin ang mga praktis na naglalagay lamang sa mga manlalaro sa hindi makatwirang panganib.
Umapela ang mga mambabatas sa Ateneo de Manila University, Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Philippine Sports Commission (PSC), University Athletic Association of the Philippines (UAAP), at mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan nang buo sa gagawing patas at transparent na imbestigasyon in aid of legislation.