Photo courtesy of Department of Agriculture
Kabuuang P40.95 milyong halaga ng tulong pang-agrikultura ang hinatid ng Department of Agriculture para sa mga magsasaka sa Barangay Looc, Nasugbu, Batangas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., saklaw ng suporta ang produksyon ng palay, mais, high-value crops, niyog, mekanisasyon, urban agriculture, at irigasyon.
Kabilang sa mga pondong inilaan ang P6.2 milyon para sa Rice Program, P1.2 milyon para sa Corn Program, P545,000 para sa High Value Crops Development Program, at P62,500 para sa National Urban and Peri-Urban Agriculture Program.
Naglaan din ng P2.1 milyong halaga ng tulong ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization at P1.1 milyon ang Philippine Coconut Authority para sa mga magsasaka ng niyog.
Pinakamalaking bahagi ng pamumuhunan ang P29.8 milyong Solar-Powered Irrigation System (SPIS), na ipinatutupad sa pamamagitan ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM) upang mapahusay ang suplay ng tubig sa mga sakahan.
Inaasahang makikinabang sa mga programa ang mga magsasaka sa Nasugbu sa pamamagitan ng dagdag na suporta sa produksyon at irigasyon, na layong mapalakas ang produktibidad at mapanatili ang kanilang kabuhayan.