Photo courtesy of BFAR XI
Namahagi ng fuel assistance ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region XI sa 722 mangingisda sa Davao Region upang maibsan ang gastos sa pangingisda at matulungang mapanatili ang kanilang kabuhayan.
Isinagawa ang pamamahagi sa ilalim ng Fuel Assistance to Fisherfolk Project sa iba’t ibang lugar sa rehiyon mula Hulyo hanggang Oktubre ngayong taong 2026.
Kabilang sa mga nakatanggap ng tulong ang mga mangingisda sa Davao de Oro, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Oriental, at Davao Occidental.
Layunin ng programa na matulungang mapababa ang gastos ng maliliit na mangingisda, partikular sa krudo na ginagamit sa pagpunta sa fishing ground at pabalik sa baybayin.
Sa pamamagitan nito, inaasahang maipagpapatuloy ng mga benepisyaryo ang kanilang pangingisda at matutustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Patuloy namang ipinapatupad ng BFAR XI ang mga fisherfolk support programs para sa mga mangingisda sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders upang mapalakas ang pangisdaan sa rehiyon.