Itinutulak ni Manila Third District Representative Joel Chua ang pagbuo ng isang national sports economy master plan upang mapaunlad ang mga atletang Pilipino, makalikha ng trabaho at makahikayat ng mga mamumuhunan sa sports sector.
Ito’y matapos makasungkit ang Pilipinas ng 29 na medalya sa Asian Games sa Japan, kabilang ang apat na ginto.
Ayon kay Chua, hindi lamang pagkapanalo ng medalya ang dapat pagtuunan ng pansin kundi pati ang mga oportunidad sa negosyo, trabaho at sports tourism.
Iminungkahi rin niya ang pagtatayo ng mas maraming sports facilities sa mga state universities and colleges upang mapakinabangan ng mga atleta, estudyante at mga komunidad.
Hinimok din niya ang Philippine Sports Commission na pangunahan ang pagbuo ng plano kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor.
Kabilang sa mga panukala ang pag-aaral sa pag-isyu ng sports bonds upang makalikom ng pondo para sa mga pasilidad at iba pang imprastraktura.
Binigyang-diin ni Chua na kailangan din ang mas mahigpit na transparency at accountability sa pamamahala ng mga sports organization upang matiyak ang pangmatagalang pag-unlad ng sports sa bansa.