Nagbaba na ng presyo ang ilang nagtitinda ng bulaklak at kandila sa paligid ng Holy Cross Memorial Park sa Quezon City para maubos ang kanilang paninda bago matapos ang Undas.
Ayon kay Nanay Vangie, isang tindera ng bulaklak, nasa ₱50 hanggang ₱150 ang ibinaba nila sa presyo ng ilang paninda.
Depende pa rin sa laki at ayos ng flower arrangement ang presyo. Ang maliit na flower pot na dating ₱150 kada piraso ay ₱100 na lamang ngayon, habang ang flower basket na dating ₱600 ay ibinaba na rin sa ₱450.
Nagbaba rin ng presyo ang mga kandila. Ang dating tig₱200 na kandila ay ₱150 na lamang, habang ang baso kandila na dating ₱300 ay ₱250 na lang. Mayroon ding set na ₱P150 na lamang mula sa dating ₱180.
Ayon sa ilang tindera, mas matumal ang bentahan ng bulaklak ngayong taon kumpara noong nakaraang undas. Napansin din nilang mas kaunti at mas maliliit na arrangement ang binibili ng mga mamimili.