Aabot na sa 39 na kasong may kaugnayan sa umano’y anomalya sa flood control projects ang naisampa ng Office of the Ombudsman sa unang taon ng panunungkulan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Kabilang ito sa mga accomplishment na inilatag ni Remulla sa kanyang unang annual report ngayong Lunes.
Ayon kay Omb. Remulla, 35 sa mga kaso ang nakabinbin sa Sandiganbayan, habang apat naman ang nasa Regional Trial Courts o RTC.
Kabilang dito ang dalawang plunder case, apat na kasong malversation of public funds, at 33 para sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
52 indibidwal naman ang nahaharap sa mga kasong ito kabilang ang isang senador, dating House Speaker, apat na mambabatas, mahigit 30 opisyal at kawani ng Department of Public Works and Highways o DPWH, at walong kontratista.
Ngayong naisampa na sa korte ang mga kaso, ang susunod umanong hakbang ay nakasalalay na sa hukuman at umaasa itong magiging patas at malaya ang proseso ng paglilitis para mapanagot ang mga mapatutunayang lumabag sa batas at nang-abuso ng pondo ng bayan.