Photo courtesy of PhilSTAR
Sinimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB at Light Rail Transit Authority o LRTA ang feasibility study sa panukalang special bus route na magsisilbing alternatibong masasakyan ng mga pasahero ng LRT-2, partikular sa rutang Antipolo hanggang Recto Avenue sa Maynila at pabalik.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Transportation Sec. Banoy Lopez para matugunan ang mahabang pila at siksikan ng mga pasahero sa mga istasyon ng LRT-2, lalo na tuwing rush hour.
Ayon kay LTFRB Acting Chair Atty. Greg Pua Jr., nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa LRTA at kabilang sa pinag-aaralan ang mga itatalagang sakayan at babaan malapit sa mga istasyon ng LRT-2.
Makikipag-ugnayan din ang mga ahensya sa mga lokal na pamahalaan ng Antipolo, Pasig, Marikina, Quezon City, San Juan at Maynila.