Plano ng Office of the Ombudsman na lumikha ng isang Investment Ombudsman na magsisilbing sumbungan ng mga lokal at dayuhang investor na nakararanas ng katiwalian, pangongotong, at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga opisyal ng pamahalaan.
Inihayag ito ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa kanyang unang annual report, na naglalayong mabawi ang tiwala ng mga investor at makatulong sa pagpapasigla ng ekonomiya.
Ayon kay Remulla, hindi lamang pondo ng pamahalaan ang nawawala dahil sa korapsyon, kundi pati na rin ang mga oportunidad sa negosyo at trabaho.
Anang opisyal, may mga investor na umaatras kapag hinihingan ng lagay o nahaharang ang kanilang mga permit.
Sa ilalim ng planong Investment Ombudsman, magkakaroon ng nakalaang mekanismo upang makapagsumbong ang mga negosyante, malaki man o maliit, tungkol sa mga opisyal na humihingi ng suhol, nagpapabagal sa pagproseso ng mga permit, o umaabuso sa kapangyarihang magpatupad ng mga regulasyon.
Binigyang-diin ni Remulla na nakasaad sa Konstitusyon ang mandato ng Ombudsman na tukuyin ang mga sanhi ng red tape, inefficiency, fraud, at korapsyon sa pamahalaan, at magrekomenda ng mga hakbang upang maalis ang mga ito.
