Magkakasa ang senate committee on agriculture ng senate inquiry o imbestigasyon tungkol sa tangkang pagpupuslit ng tinatayang pitong daang milyong pisong halaga ng bigas mula Vietnam.
Ayon kay Senate Agriculture Committee Chairperson Senator Kiko Pangilinan, target nilang isagawa ang pagdinig bago matapos ang Oktubre at posibleng isabay sa budget hearing ng Department of Agriculture sa October 20 at 21.
Ayon kay Pangilinan, kailangang magpaliwanag ang mga kinauukulang ahensiya sa insidente, lalo’t nananatiling mababa ang bilang ng mga kasong nagreresulta sa pagkakakulong at pagkakahatol sa malalaking agricultural smuggler.
Sa plenary session ng Senado noong nakaraang Huwebes, isiniwalat ng senador na nasabat ang dalawampung libong metriko tonelada ng bigas mula Vietnam sa dalawang magkahiwalay na operasyon noong September 17 at 21.
Kabilang dito ang barkong MV Tay Son 2 na may kargang 12,500 metriko tonelada ng bigas at MV Lucky Star na may halos 7,500 metriko tonelada.
Iniimbestigahan ang insidente bilang posibleng paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024. Gayunman, ikinadismaya ni Pangilinan na sa kabila ng umiiral na batas, wala pa aniyang malalaking smuggler ang nakukulong dahil sa mga kasong ito.