Nagpaalala si Senate Committe on Energy Chairman Senador Erwin Tulfo sa mga power companies na huwag samantalahin ang inaaasahang epekto ng Super El Niño sa pamamagitan ng hindi patas na pagtaas ng singil sa kuryente.
Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng babala ng department of energy (DOE) at ilang electric distribution utilities sa posibleng pagtaas ng presyo ng kuryente at pagkakaroon ng roling blackouts.
Giit ni Senator Erwin, dapat manatiling patas at makatwiran ang anumang pagtaas ng singil sa kuryente.
Hinimok rin ng senador ang DOE at Energy Regulatory Commission (ERC) na pabilisin ang pagpapatupad ng mga konkretong hakbang para matiyak ang sapat at matatag na suplay ng kuryente.
Pinasisiguro rin ng mambabatas ang paglalagay ng mahigpit na proteksyon kontra sa pang aabuso sa presyo at artificial na kakulangan ng suplay.
Binigyang diin ni Tulfo na hindi siya mag-aatubiling gamitin ang kanilang oversight powers para panagutin ang mga power generation company at distribution utility na posibleng manamantala para palakihin ang kanilang kita.