Tinutulungan ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga Pilipinong na-divert ang flight sa Jeddah na patungo sana sa Riyadh.
Ito ay matapos na pansamantalang isara ang King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia matapos ang mga pag-atake na iniuugnay sa Houthi rebels.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, nasa 94 na mga Pilipino ang na-divert sa Jeddah at binibigyan ng tulong ng pamahalaan.
“Habang nag-aantay ng resumption of flights to Riyadh, tinutulungan ng ating Migrant Workers Office, OWWA, sa Jeddah. Yung mga workers natin who are there awaiting flight resumption to Riyadh, about 94 of them,” ani Cacdac.
Kabilang sa mga ibinigay na tulong ang pagkain, transportasyon at matutuluyan.
Bukod dito ay tinutulungan din silang makapag-rebook ng flight. Puwede rin daw silang bumiyahe by land, pero aabutin ito ng 11 oras.
Sa ngayon, nananatili muna sila sa Jeddah habang hinihintay ang pagbabalik ng biyahe. Sinabi ni Cacdac na hindi pa rin tiyak kung kailan muling bubuksan ang paliparan sa Riyadh, dahil nakadepende ito sa mga awtoridad ng Saudi Arabia.