Hindi magpapatupad ng deployment ban ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Saudi Arabia, sa kabila ng pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh.
Sa pulong-balitaan sa Mandaluyong City, sinabi ni Secretary Hans Leo Cacdac na normal na takbo ng ekonomiya sa Saudi Arabia sa kabila ng mga pag-atake.
Aniya, targeted ang mga atake, at matagal nang pinoprotektahan ng naturang bansa ang mga Pilipinong manggagawa roon.
Gayunman, patuloy ang koordinasyon ng DMW sa Department of Foreign Affairs at Department of National Defense para sa political at security assessment sa sitwasyon.
Tiniyak din ni Cacdac na may sapat na pondo para sa mga apektadong OFW mula sa Action Fund ng ahensya. Naipadala na aniya ang pondo sa mga tanggapan ng DMW sa Gulf states, kabilang ang Saudi Arabia.
Paalala naman ng embahada sa mga Pilipino sa Saudi Arabia, tiyakin muna ang flight status bago pumunta sa paliparan at mag-ingat sa pag-post sa social media, dahil mahigpit ang kaharian laban sa fake news at hindi beripikadong impormasyon.