Matapos ang bilateral meeting sa pagitan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Russian President Vladimir Putin sa sideline ng ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan, Russia, umaasa ang Pilipinas na mapalalawak nito ang kooperasyon sa food and energy security ng bansa.
Ayon kay Attorney Jay Layug, Executive Board Member ng Philippine Energy Research and Policy Institute, kilala ang bansang Russia na mayaman sa oil at gas kaya magandang oportunidad sa Pilipinas ang pag-uusap na ito ng dalawang lider upang magkaroon ng energy cooperation sa usaping ito.
Sinabi rin ni Atty. Layug sa panayam sa Radyo Pilipinas World Service, na kung magiging source o pagkukunan ng Energy supply ang Russia, hindi na masyadong didipende ang Pilipinas sa Middle East lalo na kung permanenteng maitalaga na ito.
Dahil sa kasalukuyang polisiya aniya, humihingi pa ang bansa ng permiso sa Estados Unidos para makapag-import ng produktong petrolyo mula sa Russia – bagay na dulot lamang din aniya ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Dagdag pa ni Atty. Layug, kayang suplayan ng Russia ang pangangailangan ng Pilipinas sakaling matuloy ang energy cooperation dahil napakalaki ng supply nito.
Nasubukan na rin aniya ng bansa na gawing source ng energy supply ang Russia nang magsara ang Strait of Hormuz.