Pormal nang inilunsad ngayong Oktubre 12 ang Walang Gutom Kitchen sa Catbalogan City, Samar, ang ikaapat na Walang Gutom Kitchen sa bansa na naglalayong magbigay ng libre, ligtas at masustansyang pagkain sa mga indibidwal at pamilyang nakararanas ng involuntary hunger at food insecurity.
Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, kasama si DSWD Field Office VIII Regional Director Grace Subong at Gov. Sharee Ann Tan ang inauguration at launching.
Bahagi ng programa ang paglagda sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng DSWD at Provincial Government of Samar, walkthrough sa pasilidad, at paghahain ng pagkain sa mga unang walk-in clients ng Walang Gutom Kitchen.
Target ng pasilidad na mapagsilbihan ang humigit-kumulang 200 walk-in clients bawat araw. Magsisimula ang pamamahagi ng almusal alas-6 ng umaga, habang alas-11 naman ng umaga ang tanghalian, hanggang sa maubos ang nakahandang pagkain.
Kabilang sa pangunahing target beneficiaries ang mga homeless at street dwellers, mga manggagawa sa low-income informal sector gaya ng mga pedicab at motorcycle-for-hire drivers, gayundin ang mga bata, estudyante at pamilyang nahihirapang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa pagkain.
Hindi lamang libreng pagkain ang layunin ng programa. Sa pamamagitan ng Pag-abot Program, maaari ring ma-assess ang kalagayan at iba pang pangangailangan ng mga kliyente upang maiugnay sila sa angkop na social protection at developmental services ng pamahalaan.
Isinagawa ang pagtatayo ng Catbalogan Walang Gutom Kitchen sa pakikipagtulungan sa Provincial Government of Samar sa ilalim ng Tutok at Aksyon sa Nutrisyon o TAN Kitchen, na nagtataguyod ng wastong nutrisyon at malusog na pamumuhay sa mga pamilya at komunidad.
Mula nang unang ilunsad ang Walang Gutom Kitchen noong Disyembre 2024 hanggang Setyembre 30, 2026, umabot na sa 417,899 meals ang naihain ng programa, habang 5,246 volunteers ang na-mobilize at 1,153 donations ang natanggap mula sa iba’t ibang partners.