Ibinasura ng Court of Appeals o CA ang motion for reconsideration na inihain ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, alyas Guo Hua Ping, kaugnay ng naunang pagbasura sa kanyang petisyon para sa writ of habeas corpus.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Emily San Gaspar-Gito noong Oktubre 5, sinabi ng CA na hindi angkop na remedyo sa naturang petisyon sa kanyang pagkakakulong.
Iginiit ni Guo na ilegal ang pag-aresto sa kanya ng Bureau of Immigration o BI at labag umano sa Konstitusyon ang deportation proceedings laban sa kanya.
Gayunman, iginiit ng BI na hindi na dapat payagan ang writ of habeas corpus kapag ang isang nakakulong ay naakusahan at nahatulan na.
Ayon sa CA, layunin ng writ of habeas corpus na agarang palayain ang mga taong ilegal na ikinukulong.
Kasalukuyang nakapiit si Guo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong matapos mapatunayang guilty sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operations o POGO sa Bamban.
Nilinaw rin ng CA na bagama’t hindi na siya nakakulong sa kustodiya ng BI, hindi nangangahulugang hindi na siya maaaring maghain ng writ of habeas corpus.
Maaari pa rin itong gamitin bilang post-conviction remedy sa mga pambihirang pagkakataon, gaya ng pagkakakulong na bunga ng paglabag sa mga karapatang konstitusyonal ng isang tao.