Pinalakas pa ng Philippine Red Cross (PRC) ang kanilang relief operations sa mga lugar na apektado ng malakas na lindol sa bahagi ng Mindanao.
Ayon sa Red Cross, 264 staff at volunteers nila ang pinakilos. Pinagana rin nila ang kanilang operational assets, kabilang ang siyam na ambulansya, anim na rescue vehicle, apat na water tank, dalawang food truck, dalawang relief truck, tatlong generator set, dalawang drone, at isang Starlink satellite.
Target din ng Red Cross na maabot ang mga isolated community na apektado ng lindol, gayundin ng pagbaha dahil sa walang tigil na pag-ulan sa lalawigan ng Sarangani.
Bukod sa field assessments, namahagi rin sila ng hot meals, first aid services, at welfare support sa mga apektadong residente.
Sa kabuuan, nakapagtayo na ang PRC ng 30 first aid station. Nakapamahagi na rin sila ng mahigit 7,000 hot meals, nakapagbigay ng psychosocial support sessions sa mahigit 400 indibidwal, at nakapamahagi ng mahigit 60,000 litro ng tubig.


