Nilagdaan ang kasunduan noong June 17, sa pangunguna ni Bureau of Customs Deputy Commissioner Raul S. Nagrampa ng Internal Administration Group na kumatawan kay Bureau of Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, kasama sina Philippine-Chinese Charitable Association, Inc. Chairman of the Board Antonio Tan at President and Chief Executive Officer Kelly H. Sia.
Sa ilalim ng kasunduan, maaaring makakuha ang mga kawani ng BOC ng konsultasyong medikal, emergency treatment, pagpapaospital at iba pang diagnostic services sa Chinese General Hospital and Medical Center.
Kabilang din sa mga benepisyo ang diskuwento sa hospital room accommodations, laboratory tests, pulmonary procedures at X-ray services para sa inpatient at outpatient care.
Ayon sa BOC, layunin ng programa na mapagaan ang gastusing medikal ng mga empleyado at mapalakas ang kanilang kalusugan habang ginagampanan ang tungkulin sa pangongolekta ng kita, pagpapadali ng kalakalan at pagbabantay sa hangganan ng bansa.
Binigyang-diin naman ni Nagrampa na mahalagang mapangalagaan ang kapakanan ng mga kawani ng ahensya upang higit na mapahusay ang serbisyo publiko. | ulat ni Lorenz Tanjoco