Nasubok ang kahandaan ng mga estudyante, guro, at rescue responders ng Malabon City sa isinagawang 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED), ngayong umaga.
Alas-9 ng umaga nang tumunog ang sirena sa Panghulo Elementary School, hudyat ng pagsisimula ng earthquake drill na may scenario ng pagtama ng magnitude 7.2 na lindol o ang pinangangambahang ‘The Big One’.
Dito, sabay-sabay na nag-duck, cover and hold ang nasa 600 estudyante, guro, at school personnel at lumikas sa itinalagang evacuation area habang isinagawa ang headcount at safety assessment.
Ipinakita rin ng mga responder ang kanilang kahandaan sa pagtugon sa mga insidente, kabilang ang simulation ng pagresponde sa mga estudyanteng nasugatan at sunog dahil sa lindol.
Kaugnay nito, binigyang diin naman ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang kahalagahan ng regular na earthquake drill para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at mapalakas ang disaster preparedness ng komunidad.
Aniya, ang mga nagdaang lindol tulad ng nangyari sa Mindanao ay paalala na kailangang laging maging handa sa ano mang oras.
Matapos ang earthquake drill, isinagawa rin ang ceremonial turnover ng Emergency Disaster Box sa Malabon Schools Division Office na naglalaman ng iba’t ibang kagamitan para sa mas mabilis na pagtugon sa panahon ng kalamidad.
Kabilang dito ang protective gears, emergency lights, megaphones, stretcher, rescue tools, at iba pang gamit para sa operasyon ng mga responder at kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.