Matagumpay at ligtas na nakarating kahapon sa Lalawigan ng Batanes ang mahigit kumulang isang daan na Katutubong Tao na mula sa Orchid (Lanyu) island ng Taiwan.
Lunes ng umaga umalis ng Lanyu island ang grupo ng katutubo na binubuo ng pitong sasakyang pandagat kabilang ang tradisyunal na bangka na tinawag bilang “Ovayan – Golden Friendship” na may habang 12-metro at kayang magsakay ng 20-katao na magsasagwan nito. Kasama ng tradisyunal na bangka sa paglalayag ang iba pang mga sailboats, Porrima P111 ship na isang high tech at zero emission na barko, at isang bangkang pangisda na inanod mula sa lalawigan ng Batanes at napadpad sa Lanyu island.
Pinangunahan ni Chairman Maraos ng Lanyu island ang mahigit 100 nautical miles o 185 kilometers na paglalayag mula sa Orchid Island patungong Batan island.
Layon ng paglalayag na ito na muling magkaroon ng koneksyon ang mga katutubong Ivatan at katutubong Tao na may malalim na ugnayan pagdating sa kultural at patungkol sa paglalayag.
Naunang dumaong sa Mahatao Shelter port ang mga katutubong Tao upang dumaan sa Costums, Immigration, at Quarantine (CIQ) procedures bago nagtungo sa Mahatao fishport kung saan aktwal na nakita ng mga lokal ang pagsasagwan ng mga katutubong Tao sa tradisyunal na bangka.
Mainit na sinalubong ng mga Ivatan o lokal ng Batanes ang mga Kakteb du Cinayi o mga “kapatid” mula sa Lanyu island na pinangunahan ni Batanes Governor Ronald P. Aguto Jr., Vice Governor Jonathan Enrique Nanud Jr., Congressman Ciriaco Gato Jr. at ang iba pang mga local elected officials ng Batanes at iba pang mga residente.
Nagkaroon din ng welcome program at dinner para sa mga katutubong Tao na ginanap sa Mahatao covered court kung saan nagkaroon ng pagkakataon upang makapag kwentuhan ang mga katutubong Ivatan at Tao.
Samantala, iiwan sa lalawigan ng Batanes ang tradisyunal na bangka sa pangangalaga ng Lokal na Pamahalaan ng Batanes at ng National Museum of the Philippines. – May Anne Bata | RP Batanes



