Nauunawaan ng pamahalaan ang sentimyento ng ilan nating mga kababayan hinggil sa mga isyu sa pamamahagi ng ayuda para sa mga nasa laylayan.
Ito ang binigyang-diin ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary at Lead Convenor Lope Santos III sa press conference ng Philippine Information Agency nitong Miyerkules.
Aniya, tungkulin kasi ng pamahalaan na tulungan ang higit na mga nangangailangan, lalo na sa panahon ng krisis, at gaya ng sitwasyon sa umiiral na “State of National Energy Emergency,” sa bansa na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis at ilang pangunahing bilihin.
Kung kaya naman sinisikap umano ng gobyerno na gawing mas maayos ang pamamahagi ng ayuda at iba pang tulong.
Gayunman, binigyang-diin niya na hindi lamang sa pamamahagi ng ayuda nakasentro ang kampanya kontra kahirapan. Kabilang din umano ang paglikha ng mga oportunidad para sa pag-asenso.