Nananatiling nakatuon sa integridad at pananagutan ang Department of Justice matapos pangunahan ni Justice Secretary Fredderick Vida ang panunumpa sa ilalim ng Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) ng 233 hepe ng mga city, provincial at regional prosecution offices sa buong bansa.
Isinagawa ang seremonya sa Makati City sa harap ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo, kasama sina Associate Justice Maria Filomena Singh, Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, Associate Justice Samuel Gaerlan, at iba pang opisyal ng DOJ.
Hinimok ni Vida ang mga piskal na maging huwaran sa pagsusulong ng integridad, propesyonalismo at mahusay na paglilingkod bilang mahalagang katuwang sa paghahatid ng katarungan.
Pinangunahan naman ni Singh ang talakayan hinggil sa mahahalagang probisyon ng CPRA, kabilang ang wastong pag-uugali, etikal na tungkulin at pagtataguyod ng mga prinsipyong konstitusyonal.
Ang CPRA ay ipinatupad sa pamamagitan ng En Banc Resolution ng Korte Suprema sa Administrative Matter No. 22-09-01-SC na inilabas noong Abril 2023 bilang gabay sa mga pamantayang etikal para sa mga miyembro ng legal na propesyon.


